ramilandninadimaculangan.usana.com

ramilandninadimaculangan.usana.com
ramilandninadimaculangan.usana.com



happily married ever after..

Daisypath - Personal pictureDaisypath Anniversary tickers

Friday, April 1, 2011

minsan may isang puta

(isang pagrerepaso sa isang pelikula at lathalain)

ang tindi ng title noh..ang maikling lathalain na matutunghayan ay akda ni Mike Portez-Borromeo..ngayon ko lang talaga nabasa ng buo ito pero matagal na itong na-email sa akin ng asawa ko..nakakahanga ang istilong ginamit ng may-akda..mahusay..

at maslalo ko ito na-appreciate nung mapanood ko sa up ang sine na hango sa akdang ito..sana mapanood nyu din yung "ganap na babae"..three movies-in-one ito at isang parte nito ang paglalahad ng lathalain na ito..

kahit medyo morbid yung ibang bahagi ng pelikula..tinalakay nito ang iba't ibang aspeto ng babae sa lipunan..merong nakakatuwa..merong nakakatawa..merong sobrang morbid talaga..merong simple lang..merong marahas..merong masakit sa kalooban..meron talagang emosyon..mararamdaman ng manonood..
ewan ko lang kung napansin nila ang mga simbolismo na ginamit ng mga director..masmarami pa itong kahulugan kung lalaliman pa ang paglilimi..at pamatay ang ending..panalo..standing ovation ang mga nanood..hindi ko rin inasahan na magugustuhan ko ang pelikula..kailangan din open-minded..baka kasi salungat ito sa prinsipyo at paniniwala ng iba..

sulit ang ticket..sana makanood ulit ako ng sine na ka-level nito..5 stars para sa pelikulang ito..at 5 stars din sa sumulat ng "minsan.."..

_____

Minsan May Isang Puta

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.

Tara makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo. Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kase di sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko, na-rape ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makaka-limutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at Coño.

Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga naging anak ko.

Parating ang dami naming regalo - may chocolates, yosi, ano ka! May datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit.

Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Hanggang noon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatak-buhan ko. Yun nga lang, lahat ng ba may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami. Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaliahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay. Putang Ina! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko, napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.

Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin. Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba nag-US, Europe. Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalaan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa kabuhayan at kayamana na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na malinlang.Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.

Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga anak. Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin. Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kiniki-lalang ina. Halos lahat sila galit sa isa't isa. Walang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko.Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Isang buwan pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Non pa lang usap usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako.

Gusto kong isigaw:
"INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"

Sige, dumadrama na ako. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako. Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.
_____

“Minsan may Isang Puta” was originally published in April 30, 2004 @ Peyups.com

No comments: